Thursday, October 07, 2004

Dito Po Sa Baler

Pag-usapan natin ang mga leisure activities o aliwang laro ng mga sinaunang taga-Baler. Nakasama ko ng kaunting saglit si Senador Edgardo Angara sa pagtitingin ng painting exhibit ni Jeho Bitancor at ang mga painting na patungkol sa kultura ng Baler ay nakapagpapagunita sa mambabatas ng kanyang nakaraan.

"Arre, ay bayatu, naglalaro rin ako niyan pag maliwanag ang bu-an. Kami nila Imon (Judge Filemon Tan) at ni Armando. Pati yang bimbim! Nagpipiknik din kami nuun... masaya kami rito sa Baler... Ti-chok nilalaru din, tat-seng at saka shato."

Pero iyang shato ay hindi pa masyadong matanda. May mga kinapanayam akong mga ka-edad ng senador na nagsabi "ak-kaw! Ay kasama namin iyan si Eddie sa pag-ee bayabas sa Ulango, maski sa maga kalokohan..." Talagang tipikal na batang Baler pala ang kinalakhan ng Senador. "Ay awan nga laang kung nakasama namin iyan sa paninilong, di ko tanda!"

Pero nuon wala namang masyadong leisure activities ang mga kabataan. Basta nagsasama-sama, naliligo sa Binilwag o di kaya ay sa Kinalapan o Pinlan na mga hubo, naghaharana, dagtuan, pag maliwanag ang buan naglalaro sa kalsada ng nakapaa pati laang.

Dito po sa Baler, ito ang mga nakaraan...masarap maalala, sabi ng kaibigan kong si Virgie Bihasa-Yoshisaki, "Yung nilaro at ginawa pala natin, iyan din pala ang nilaro at ginawa nung mas matatanda pa sa atin..."

Si Igang Carmen Prades may iba ring karanasan. "Walang koryente nuon, pero may sinehan kala Hunas, pero minsan-minsan laang ang sine... kaya may sine-sinehan kami sa Duongan. Kumut na puti, yung gasera ang tanglaw tinatapat dito yung mga ginupit na mga tau-tauhan, ak-kaw dami namin pag gab-i nakamalag duun! Si Eping ang magsisine, may salita pa, nag-iistorya siya habang ikinikibu-kibo yung mga tau-tauhan, addi may aliwan kami.. wala pa nuon ang adik-adikan.."

Ang simple ng mga aliwang laro ng mga bata nuon hindi katulad ngayon high-tech na! Dito po sa Baler...

No comments: