May mga balikbayan akong nakasama at walang ginawa kundi magturungko ng kanilang mga kamag-anak at kamag-aral. Sinamahan ko at nag-reunion silang magkakaklase. Wala silang ginawa kundi sulingatin at sariwain ang saya ng kabataan nila. Naliligo daw sila sa ilog na hubo't hubad, wala raw malisya at pagkatapos ay nagdadagtuan (wala raw katapusang saya). Mga babae raw ang naghuhulog sa lusong ng mga lipak-lipak na kamoteng-kahoy at mga lalake ang mga tagabayu.
Sinariwa nila ang kanilang mga kinakain, ang tanghalian daw nila kadalasan ay kanin, pinigang niyog at saging, masaya na raw silang kumakain. Sabi nung isa, "Akkaw, kinekempel-kempel pa natin yung kanin tapus isasawsaw sa baguung sabay higup ng kinunut (inuhaw na isda na sasabawan ng mainit na tubig, wiwisikan ng asin at pipig-an ng kidya).
Ang hinahangaan ko sa kanila ay hindi sila nalulungkot sa pag-alala ng malungkot na gunitang ito. Ay anu kaya kung ganito ang ipakain sa mga kabataan ngay-un? Sabi ni Tessie, "Hinde na kakainin ng mga bata iyang ganyan, nasanay na sila sa masasarap, karne ng karne, sa mga anak ko lang hindi puwede ang walang ulam."
Iba na ang mga bata sa kasalukuyan,nag iba rin baga ang taste bud? O talagang wala laang noon mapagpipilian? Sigaw nung isa kong kinapanayam, "Nuung araw ay mas malala yung ulam naming mga sapsap na gangga butones, matusuk-tusok na ang nguso, ay tuluy laang kumain!"
Pero isa ang nakita ko sa grupong ito, parang lahat sila ang nakatapos at may magagandang puwesto sa lipunan. Tingnan mo, pinagmamalaki nila ang kanilang karanasan, hindi iyon makaiyak sa kanila. Ay ang mga kabataan ngay-un may pagtitiis pa kaya sila? Pinapahalagahan pa kaya nila ang pagkaing iginayak ng kanilang mahal na nanay? O binubulyawan pa ang nanay o di kaya hindi na kakain, basta na lang papasok?
Dito po sa Baler, ang mga karanasan ng pangkat na iyan ay hindi nila ikinahihiya bagkus ay nagsilbing inspirasyon... dahilan din na maabot nila ang kanilang kalalagayan ngay-un sa lipunan.
Friday, October 15, 2004
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment